Sunday, April 01, 2007

Sa Mga Bata ng Hungry Minds

Sa Mga Bata ng Hungry Minds.
Posted by George on Sep 24, '06 1:37 AM for everyone

Saan nga ba ihahambing itong pag-aaral?

Ginto, pilak o diyamante, na pawang kay mahal?

Lahat iyan ay balewala 'pag walang karunungan,

Parang bulang maglalaho, kung alam ay kulang.

Kung pagbubutihin lamang ang ating pag-aaral,

Siguradong marami ang ating malalaman;

Di lamang asignatura kundi pati asal,

Iyan ay mga kailangan sa ating tagumpay.

Oo nga at bata, at medyo malikot,

Ngunit pag inutusan, tayo ay susunod.

Kapag pinagsabihan, di sasama ang loob,

Aayusin ang salita, aayusin ang kilos.

Kaya nga ngayon, bagaman at mahirap,

Sa laruan at pera, kahit na tayo ay salat;

Kung titingin lamang sa ating hinaharap,

Para na ring hari na ano't kay palad.

Mabuting mauna ang hirap at dusa,

Sa malamlam na ilaw, tayo ay magbabasa;

Sobrang laro ay isakripisyo muna,

Upang ang mithiin, maabot ng kusa.

Madami-dami pa ngang bundok ang ating aakyatin,

Magkakahawak ang kamay sa bawat hakbangin;

Kung may matapilok ating sasagipin,

Upang ang tagumpay, pagsaluhan natin.

- Sundalong Anino 1991

Aking isinulat ang tulang ito mula ika-4 hanggang ika-5 ng umaga, lulan ng Jam Transit - mula Sta. Rosa, hanggang Cubao. Ito'y alay ko sa mga bata ng Hungry Minds - Malolos.

No comments: